1 B fuel subsidy para sa transport sector, kukunin sa unprogrammed appropriations ng 2021 National Budget
Huhugutin ng Malakanyang sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng support for infrastructure projects and social programs ng 2021 national budget ang 1 bilyong pisong fuel subsidy para tulungan ang sektor ng transportasyon na direktang apektado ng linggu-linggong pagtaaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na inirekomenda ng cabinet level Development Budget Coordination Committee na kunin sa unprogrammed appropriations ng 2021 national budget ang pang-ayuda sa sektor ng transportasyon sa ilalim ng Pantawid Pasada Program.
Ayon kay Roque sa sandaling maibaba na sa Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB ang pondo ay agad na ipapamahagi ito sa 178,000 na mga tsuper ng pampublikong sasakyan nationwide ang fuel subsidy upang makagaan sa kanilang pasanin dulot ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng diesel.
Inihayag ni Roque ang pagbuhay sa Pantawid Pasada Program ay pamalit na solusyon sa kahilingan na suspendihin muna ng gobyerno ang paniningil ng excise tax sa mga inaangkat na produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform Accelaration Inclusion (TRAIN) Law na nangangahulugan ng pagkawala ng 131 bilyong piso sa kaban ng bayan.
Vic Somintac