10 bilanggo na tumakas sa Pasay police sub-station, hawak na lahat ng otoridad
Nasa kustodiya na ng pulisya ang lahat ng 10 preso na tumakas mula sa Malibay Detention Facility sa Pasay City noong Lunes ng madaling araw.
Ito ay matapos na maaresto nitong Martes ang apat na nalalabi pang inmates na pumuga.
Dinala bago mag- 6:00 ng gabi sa Pasay City Police Headquarters ang pinakahuling naaresto na si Richard Dela Cruz.
Nahuli ng mga otoridad si Dela Cruz na may kasong iligal na droga sa sementeryo sa Pasay.
Kabilang din sa mga pinakahuling nadakip sa Pasay ng bandang 11:00 ng umaga ang itinuturong lider ng mga tumakas na si Norman Deyta.
Narekober din kay Deyta ang service firearm na kinuha mula sa guwardiyang pulis.
Sinabi ni Uy na si Deyta ang sumira sa rehas ng selda kung saan ito lumusot at ang dalawang iba pa.
Iniharap sa media ng pulisya ang 10 bilanggo na sasampahan ng mga panibagong reklamo.
Samantala, inilipat na sa ibang substations na mas maluwag at mas matibay ang ibang mga bilanggo mula sa Malibay detention.
Ipinagutos na rin ni Uy na alamin at sulatan ang mga huwes na may hawak sa kaso ng mga preso para makapagisyu ng committment order at mailipat na ang mga ito sa pasilidad ng BJMP.
Iginiit ng hepe na dapat ay sa BJMP facility nakapiit ang mga taong may kaso na lalo na’t ang iba sa mga bilanggo ay may isang taon na sa Malibay detention.
Inatasan na rin ni Uy ang ibang commander ng Pasay Police substations na matiyak na matibay at maayos ang disenyo ng mga selda upang hindi na maulit ang jail break.
Moira Encina