10 sundalo, patay, 12 pa pinaghahanap sa landslide sa Central Vietnam
Nagpapatuloy ang search operation sa nangyaring landslide sa Central Vietnam at matinding pagbaha.
Pinaniniwalaang nasa 22 sundalo ang natabunan ng lupa matapos mabagsakan ng malalaking bato ang isang military station sa Quang Tri province.
Nasa 10 bangkay na ang narerekober at nasa 12 pa ang pinaghahanap.
Sinabi naman ng isang local official na nasa apat hanggang limang landslides na ang nangyari na animo’y mga bombang sumabog.
Nagbabala si General Phan Van Giang, Chief of General staff ng Army na posibleng marami pang landslides ang maganap kaya pinayuhan ang mga rescuers na humanap ng mas ligtas na daanan patungo sa landslide site.
Ayon sa Disaster Managament Authority ng Vietnam, mahigit nang isang linggong inuulan ng malakas ang rehiyon at nasa 65 katao na ang namatay dahil sa landslides at mga pagbaha.
Ilang araw lamang ang nakalilipas nang matagpuang patay ang 13 miyembro ng rescue team na magliligtas sana sa mga biktima ng landslide sa isang Hydropower plant.
Nananatiling pinaghahanap ang nasa 15 empleyado ng Power plant habang dalawa ang natagpuang patay.
Itinaas na rin ng Disaster management authority sa second highest level ang Risk alert warning matapos makapagtala ng pagtaas ng tubig sa mga ilog ng Quang Tri province.
Ang Vietnam ay prone sa mga natural disaster at regular na nakararanas ng mahigit sa 12 malalakas na bagyo kada taon na nagiging sanhi ng mga pagbaha at landslides.