100 dating Afghan government officials, napatay ng Taliban
Iniulat ng United Nations ang umano’y pagpatay ng Taliban at mga kaalyado nito sa higit 100 dating Afghan government members, security personnel at mga taong nagtatrabaho kasama ng international forces.
Nakasaad sa kopya ng report ang malubhang paglabag sa karapatang pantao ng bagong fundamentalist rulers ng Afghanistan.
Bukod sa political killings, pinigil din nila ang karapatan ng mga babae at ang karapatan sa pagpoprotesta.
Ayon sa report ni UN Secretary-General Antonio Guterres . . . “Despite announcements of general amnesties for former members of the Government, security forces and those who worked with international military forces, UNAMA continued to receive credible allegations of killings, enforced disappearances, and other violations towards these individuals.”
Mula nang sakupin ng Taliban ang Kabul noong Agisto 15 ng nakalipas na taon, ang UN mission sa Afghanistan ay nakatanggap na ng higit 100 reports ng mga pagpatay na itinuturing na kapani-paniwala.
Higit 2/3 ng mga pagpatay ay “extra-judicial killings” na ginawa ng de facto authorities o kanilang mga tagasunod.
Sabi pa sa report . . . “Human rights defenders and media workers continue to come under attack, intimidation, harassment, arbitrary arrest, ill-treatment and killings.”
Nakadetalye rin sa ulat ang pagpigil sa mapayapang protesta, at binawalan ang mga babae na mag-aral o magtrabaho.
Sinabi ni Guterres sa report . . . “An entire complex social and economic system is shutting down.”
Ang Afghanistan ay nakararanas na ng humanitarian disaster na pinalala pa ng pag-takeover ng Taliban, na nagtulak sa Western countries na i-freeze ang international aid at pigilin ang access sa bilyun-bilyong dolyar na halaga ng assets sa abroad.