100% increase sa Social pension ng mga mahihirap na Senior citizens ipinatupad na ng DSWD
Bahagi ng pagdiriwang ng ika-73 Anibersaryo ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ipinatupad na ngayong araw ang 100 percent increase sa tinatanggap na Social pension ng mga kuwalipikadong mahihirap na Senior citizens alinsunod sa probisyon ng Republic Act 11916.
Pinangunahan nina first lady Liza Araneta Marcos at DSWD Secretary Rex Gatchalian ang Ceremonial pay out ng Social pension ng mga indigent senior citizen na tumanggap ang bawat isa ng tig 6000 pesos para sa anim na buwang advance pension.
Mula sa dating 500 pesos ay ginawa ng batas na 1000 pesos na kada buwan ang tatanggaping Social pension ng mga mahihirap na Senior citizens.
Nagpaabot naman ng pasasalamat sa gobyerno ang mga Senior citizen na tumanggap ng Social pension.
Ipinaliwanag naman ni DSWD Spokesman Assistant Secretary Romel Lopez ang proseso para makapasok sa listahan ng mga mahihirap na Senior citizens na tatanggap ng monthly Social pension.
Batay sa record ng DSWD nasa 4 na milyong identified poorest of the poor na mga Senior citizens ang makakatanggap ng 1000 pesos monthly social pension sa buong bansa.
Ang pondo para sa Monthly Social Pension ng mga Senior citizen ay allocated ng 2024 National budget na umaabot sa 49.8 million pesos.
Vic Somintac