107 partylist groups applications, ibinasura ng COMELEC
May 107 party list group ang pinal ng ibinasura ng Commission on Elections at hindi na makakalahok sa May 2022 elections.
Kabilang rito ang samahan ng mga nurse at healthworkers na Nurses united party list na sa labis na pagkadismaya sa desisyon ng Comelec, muling nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng Comelec.
Nalulungkot umano sila sa kawalan ng malasakit ng Comelec sa sektor ng pangkalusugan na nais lang daw marinig ang kanilang boses kaya gusto nilang lumahok sa halalan.
Pero sagot naman ng Comelec rito, bigo raw ang nasabing grupo na patunayan na mayorya ng mga myembro ng kanilang samahan ay health workers.
Payo ng Comelec sa mga partylist group na nabasura ang aplikasyon sa poll body, sa halip na magrally gumawa ng legal na hakbang.
Inanunsyo naman ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na sa December 10 gagawin ng Comelec ang raffle para sa magiging pwesto ng mga party list sa balota.
Virtual aniya ang gagawing raffle at tanging mga awtorisadong kinatawan lang ng grupo ang papayagang makasali sa raffle.
May 132 partylist ang makakasama sa nasabing raffle habang papayagan rin makasali ang 13 pang partylist group na may naka pending pang petisyon sa Comelec.
Madz Moratillo