10K katao target na mabakanuhan ng Pasay City LGU sa tatlong araw na National COVID-19 Vaccination Days

Mahaba ang pila at halos punuan sa mga vaccination sites sa Pasay City para sa unang araw ng three-day National COVID -19 Vaccination Days.

Humigit kumulang na 10,000 katao ang target na maturukan ng City Health Office ng Pasay sa loob ng tatlong araw o hindi bababa sa 3,000 katao kada araw.

Sa limang lugar sa lungsod isinasagawa ang pagbabakuna para sa first at second dose at maging sa booster shots.

Isa na rito ang Pasay West Highschool na nakatalaga para sa una at ikalawang dose ng mga kabilang sa A2 hanggang A5 groups.

Courtesy: Eagle News Service

Sa Giga Vaccination Site sa isang mall sa Pasay, isinasagawa naman ang pagbabakuna sa pediatric population.

Sa pinakahuling datos, nasa 40% na o 20,000 ng target populasyon ng 12 to 17 year olds sa Pasay ang bakunado na.

Courtesy: Eagle News Service

Sinimulan na rin noong nakaraang linggo ang booster vaccination para sa priority A1 hanggang A3 pero kaunti pa lamang ang mga natuturukan ng booster.

Katuwang ng Pasay City LGU  sa National Vaccination Days ang mga volunteers mula sa PNP, BJMP at DOH.

Courtesy: Eagle News Service

Handa naman ang Pasay City Health Office sakaling sumobra sa target nila ang magpapaturok sa three days vaccination.

Tiniyak ng mga opisyal na mayroon silang naka-standby na mga bakuna para sa parehong residente at non residents na nais magpaturok kontra Covid.

Masasabi  ng lokal na pamahalaan na tagumpay ang COVID vaccination sa lungsod at nakamit na ang herd immunity dahil higit sa 100% na ang nabakunahan sa target na residente ng LGU at mga pribadong sektor.

Moira Encina

Please follow and like us: