11 ang nasawi sa naganap na pag-atake sa Iraq na isinisisi sa IS
Hindi bababa sa 11 katao ang namatay sa naganap na pag-atake sa isang village sa eastern Iraq, na isinisisi sa Islamic State group.
Ayon sa isang local security source, 11 ang namatay at 13 ang nasugatan sa nangyaring pag-atake sa Al-Rashad sa Diyala province.
Kabilang ang sibilyan sa mga nasawi sa pag-atake sa naturang village, na tirahan ng maraming miyembro ng security services.
Sinabi ng unang source na isinara na ang nabanggit na lugar, at naipadala na rin ang reinforcements para tugisin ang mga nang-atake.
Karamihan sa mga naninirahan sa nasabing village ay kabilang sa tribu ng Diyala provincial governor. Ang Bani Tamim tribe.
Noong 2014, malaking bahagi ng Iraq at Syria ang nakontrol ng IS ngunit kalaunan ay nagkawatak-watak at humina ito sanhi ng sunod-sunod na pag-atake sa kanila.
Idineklara ng Iraq noong 2017 na nagapi na nito ang grupo, habang sa katabi nitong Syria ay nawasak ang grupo noong 2019.
Gayunman, namamalagi ang banta ng jihadist at ang grupo ay patuloy na nagsasagawa ng mga pag-atake.
Sa nalathalang UN report sa mga unang bahagi ng 2021, tinatayang nasa 10-libong IS fighters ang namamalaging aktibo sa magkabilang panig ng Iraq at Syria. (AFP)