12 Chinese nationals na sangkot sa Clark Sun Valley cyber scam hub sa Pampanga, sinampahan ng mga reklamo ng money laundering sa DOJ
Ipinagharap ng pitong bilang ng reklamong paglabag sa Anti-Money Laundering Act sa DOJ ang mga dayuhan na sangkot sa operasyon ng cyber scam hub sa Pampanga.
Ang reklamo ay inihain ng Clark Freeport and Special Economic Zone Task Force Against Trafficking na kinabibilangan ng PNP Anti- Cybercrime Group, Inter-Agency Council Against Trafficking, Clark Development Corporation, at Anti- Money Laundering Council.
Ayon kay Deputy City Prosecutor Darwin Cañete, 12 respondents na Chinese nationals ang sinampahan ng reklamo.
Kabilang sa mga ito ang walong Chinese na una nang kinasuhan ng human trafficking sa korte habang ang apat ay at-large o pinaghahanap pa.
Ang reklamo ay nag-ugat sa pagsalakay ng PNP-ACG sa Clark Sun Valley Hub noong Mayo kung saan nasagip ang nasa 1,000 trafficking victims.
Sinabi ni Cañete na natagalan ang paghahain ng money laundering complaint dahil kinailangan pang suriin ang mga nakumpiskang computer data mula sa hub.
“It took some time for police to decode and forensic examined ‘yung mga computer data so doon lang namin nabuo ang kaso for filing of money laundering Section 4(b) of RA 9160. Kasi may mga nakuhang mga proceeds sa mga vault na na-discover pursuant to a re-open warrant from the court e may mga lamang pera. Under our law ‘pag may predicate crime tapos may mga proceeds dito it should be a case for money laundering and forfeited for the government,” pahayag ni Cañete.
Ang money laundering ay ang pagpapalabas na ang salapi na galing sa iligal na aktibidad o krimen ay malinis.
Aabot sa P187 million pesos na salapi ang nakumpiska ng mga otoridad mula sa mga vault sa Clark Sun Valley at hindi pa kasama dito ang pera mula sa mga nadiskubreng pass books at crypto wallets doon.
Moira Encina