12 nawawala matapos masunog ang isang ferry sa Greece
Labingdalawa katao ang nawawala at dalawa naman ang na-trap, matapos masunog ang isang Italian-flagged ferry sa Ionian Sea.
Ayon sa Greek coastguard, kinailangan nang tumawag ng divers para mas malawak na lugar pa ang paghanapan para sa mga nawawala.
Samantala, 278 katao naman ang nailigtas at dinala sa isla ng Corfu.
Ayon sa mga opisyal, hindi pa batid ang naging sanhi ng sunog sa Euroferry Olympia na unang sumiklab nang ito nasa may bahagi ng isla ng Ereikousa sa pagitan ng Greece at Albania, habang bumibiyahe patungong Italy.
Sa mga nailigtas, sampu ang dinala sa ospital matapos mahirapang huminga at magtamo ng minor injuries.
Siyam naman sa 12 nawawala ay mga taga Bulgaria.
Ayon sa Grimaldi Lines, may-ari ng ferry, limang nawawalang pasahero ang na-trace na nasa loob pa ng ferry, at nagsasagawa na rin ng evacuation.
Ngunit sinabi ng Greek coastguard, na dalawa lamang ang alam nilang pasaherong nasa loob pa ng ferry, na ayon sa isang Bulgarian freight company ay isang Bulgarian at isang Turkish truck driver na sinubukang pumunta sa deck ng ferry.
Sinabi ng Grimaldi Lines, na ang ferry ay opisyal na may lulang 239 mga pasahero, 51 crew at 153 mga trak at trailer at 32 passenger vehicles.
Subali’t pinangangambahan na marami pang undocumented passengers na sakay ang ferry, matapos na isang migrant stowaway ang mailigtas kasama ng mga nasa listahang pasahero nito.