12 patay sa sagupaan ng protesters at security forces sa Peru
Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi sa Peru, nang magkasagupa ang anti-government protesters at security forces makaraang tangkain ng mga nagpo-protesta na lusubin ang isang paliparan.
Sinabi ng isang opisyal mula sa tanggapan ng lokal na ombudsman, na nangyari ang karahasan sa southeastern city ng Juliaca, sa Puno region.
Nais ng mga nagpo-protesta na patalsikin na si President Dina Boluarte, na naupo sa puwesto matapos mapatalsik at maaresto ang dating pangulo na si Pedro Castillo noong December 7.
Ang pagpapatalsik kay Castillo matapos niyang subukang buwagin ang kongreso at simulan ang pamumuno sa pamamagitan ng isang decree, ay nagbunsod ng ilang linggong sagupaan sa buong Peru, isang bansa na ilang taon nang pinahihirapan ng kawalang katatagan sa pulitika.
Nais ng protesters na galit sa pagkakatanggal ng maka-kaliwang si Castillo, na magbitiw na si Boluarte at agad na magkaroon ng bagong eleksiyon. Ang halalan ay inilipat sa April 2024 mula sa dating 2026.
Ang Juliaca, na matatagpuan sa rehiyon ng Puno sa hangganan ng Bolivia, ay naging pugad ng mga protesta laban sa gobyerno. Isang open ended strike ang idineklara doon noong Enero 4.
© Agence France-Presse