123 milyong US viewers nanood ng Super Bowl
Gumawa ng record ang 123.4 milyong kataong nanood sa laban ng Kansas City Chiefs at San Francisco 49ers sa ginanap na Super Bowl noong Linggo, at nakaragdag pa sa atraksiyon ang halftime show na pinangunahan ni Usher at ang ‘attention-stealing presence’ ni Taylor Swift.
Ang 25-22 panalo ng Chiefs sa pangunguna ng quarterback na si Patrick Mahomes ay ang pinakamahabang Super Bowl game sa kasaysayan, kung saan ang Kansas City din ang unang team na nanalo ng back-to-back Lombardi Trophies, mula nang magawa ito ng New England Patriots noong 2003-2004, na nagselyo sa karapatan ng prangkisa para ituring bilang pinakabagong dynasty ng national football league (NFL)
Sa isang pahayag ay sinabi ng parent company ng CBS na Paramount, “A total audience of 123.4 million across all platforms made it the ‘most-watched telecast in history’ up seven percent from last year’s game.”
Ayon sa Paramount, “120 million people watched the NFL championship game on CBS alone, a record for a single US network.”
Ang kabuuan ng viewership sa Super Bowl ay sumunod lamang sa viewership ng paglapag ng Apollo 11 mission sa Buwan noong 1969, kung saan umabot sa 150 million ang nanood sa lahat ng tatlong television networks sa buong Estados Unidos nang panahong iyon.
Gayundin, ang viewership ay pinasigla pa ng mga non-sporting star power, kung saan pinangunahan ni Usher ang isang all-star cast na kinabibilangan nina Ludacris, Alicia Keys at Jermaine Dupri para sa halftime show.
Si Taylor Swift naman ang naging ‘most-watched fan’ na bagama’t hindi kumanta ay nag-cheer naman para sa kaniyang boyfriend na si Travis Kelce, mula sa isang luxury box kasama ng mga kapwa niya sikat na kaibigan gaya ng rapper na si Ice Spice.
Ang relasyon ni Swift sa charismatic star na si Kelce ay nakapagpalakas sa mga rating sa telebisyon, dahil ang bawat galaw niya ay nagreresulta ng headline.
Ang presensiya ng singer sa games ng Chiefs, ay umakit sa maraming kabataang fans ni Swift na karamihan ay mga babae, na nakatulong naman na mapalawak ang NFL viewership hindi lamang sa mga lalaki.
Nasa stadium din si Beyonce noong Linggo kasama ang asawang hip-hop mogul na si Jay-Z, kung saan inanunsiyo niya ang isang bagong album sa panahon ng isang commercial na ginawa kasama ang telecoms giant na Verizon.
Ngunit bagama’t sinira ng Super Bowl ang mga rekord sa TV sa United States, ay mas maliit pa rin ito kung ikukumpara sa pandaigdigang bilang ng mga nanood sa World Cup soccer finals, sa pagbubukas ng mga seremonya para sa Olympic Games, at sa 1981 royal wedding nina Charles at Diana.
Sa pinakabagong World Cup Final, kung saan tinalo ng Argentina ang France sa isang penalty shootout noong 2022, ay tinatayang pinanood ng halos 1.5 bilyong katao sa buong mundo batay sa pagtaya ng FIFA, sa daan-daang mga channel.