127 inmates, napagkalooban ng Executive Clemency ni Pang. Duterte
Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang kautusan na naggagawad ng executive clemency sa mahigit isangdaang inmates na may katandaan na at maysakit.
Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na noong nakaraang buwan pa pinirmahan ng Pangulo ang kautusan para makalaya na ang 127 inmates batay sa rekomendasyon ng DOJ.
Ang mga inmate ay mula sa New Bilibid Prison at Correctional Institution for Women at penal colonies na nasa ilalim ng kontrol ng Bureau of Corrections.
Sinabi pa ng kalihim na ang ilan sa mga naturang inmates ay pinaikli ang sentensya.
Ang Executive Clemency ay alinsunod na rin sa pangako ng Pangulo noong nakaraang taon na palayain ang mga inmate na may edad 80 anyos pataas at may 40 taon nang nakakulong.
Sa ilalim ng Article VII, Section 19 ng 1987 Constitution, ang Presidente ay makapangyarihan na maggawad ng pardon at commutation sa mga bilanggo.
Ulat ni : Moira Encina