13 katao, na-hire on the spot sa job fair ng DOLE-7
Hindi bababa sa 13 aplikante ang na-hire on the spot (HOT) sa isinagawang job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) 7 (Central Visayas) na may temang “Trabaho, Negosyo, Kabuhayan: A Blended Jobs and Business Fairs.”
Ayon kay DOLE-7 Director Marion Sevilla, lahat ng HOT applicants ay kinuha ng isang nangungunang apparel manufacturer ng isang sportswear at outdoor wear brand na kilala sa buong mundo, na naka-base sa Mactan Export Processing Zone sa Lapulapu City.
Karamihan sa HOTS ay production workers, quality controllers, industrial engineers, building engineers, at sewing mechanics.
Ang naabing bilang ay maaaring tumaas pa, dahil 29 pang aplikante ang ikinukonsiderang “near-hires” sa ginanap na job fair na isinagawa bilang bahagi ng selebrasyon ng DOLE sa kanilang ika-88 taong anibersaryo.
Ang near-hires ay mga aplikante na ikinukonsiderang “hired” na ngunit kailangan pang magdagdag o kaya ay kulang ng requirements, o kaya ay kinakailangang dumaan pa sa dagdag na interview o kumuha ng tests.
Ayon sa DOLE-7, mahigpit nitong imo-monitor ang estado ng “near-hires” sa loob ng isang buwan para sa lokal na empleyo at sa loob naman ng 90 araw para sa trabaho sa ibang bansa.