14-day quarantine sa mga dayuhang nakakumpleto na ng bakuna, pinatitigil na
Nais ni Senate President Vicente Sotto III na tanggalin na ang 14 na araw na mandatory quarantine sa mga biyahero na nakakumpleto na ng dalawang doses ng bakuna laban sa Covid-19.
Kuwestyon ng Senador bakit kailangan pa silang isailalim sa quarantine pagpasok ng Pilipinas kung mayroon na silang proteksyon laban sa virus.
Paano rin aniya mahihikayat ang mga dayuhan at mga turista na bumisita sa bansa kung halos kalahating buwan silang mananatili sa mga isolation facilities dahil sa quarantine protocol.
Ayon kay Sotto, may mga investors na nagda-dalawang isip na magtungo sa Pilipinas dahil sa napakahabang quarantine procedures.
Taliwas aniya ito sa layon ng pagbabakuna ng gobyerno para unti-unting makabangon ang ekonomiya.
Statement SP Sotto:
“Calling on IATF/DOH to remove the 14 day quarantine on fully vaccinated persons entering the Philippines as long as health standards are followed. Why do fully vaccinated people have to still do the two week quarantine when traveling to the Philippines? it doesn’t make sense! Defeats the purpose of vaccinating so we can open the economy. Vaccinated investors won’t come because they have to quarantine or even Filipinos who are vaccinated are having second thoughts”.
Bukod sa mahabang quarantine, sinusuportahan ni Sotto ang mga panawagan na itigil na ang paggamit ng faceshield.
Tanging ang Pilipinas na lang aniya ang gumagamit nito at hindi naman napatunayan na kaya nitong pigilan ang pagkalat ng virus.
Nauna nang inirekomenda ng Department of Tourism (DOT) na maglagay ng green lane sa mga paliaran para sa mga dayuhang nais bumisita sa bansa pero nakatapos na ng bakuna laban sa Covid-19.
Ayon sa DOT makatutulong ito para muling sumigla ang turismo at makatulong sa pagbangon ng eknomiya.
Meanne Corvera