14-day surgical lockdown, ipinatutupad sa 7 barangay sa Tabuk City
Patuloy na tumataas ang kabuuang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa lalawigan ng Kalinga partikular na sa Tabuk City.
Batay sa epidemic risk level sa nagdaang dalawang linggo, nasa high risk level na ang Tabuk City dahil sa patuloy na pagdami ng naitatalang bilang ng kaso ng COVID-19, kung saan ay 22 na ang namatay.
Kaunay nito, nagpalabas ng Executive order no. 17 series of 2021 si Mayor Darwin Estrañero na naglalagay sa pitong barangay na may mataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa 14 days na surgical lockdown.
Kabilang dito ang mga barangay ng Bulanao Norte, Bulanao Centro, Dagupan Centro, Magsaysay, Appas, Agbannawag at Nambaran.
Kasabay ng lockdown ay isasagawa ang mabilisan at agarang contact tracing sa mga nakahalubilo ng mga nagpositibo sa sakit para maiwasan ang pagkalat pa nito.
Kaya nananawagan ang mga nanunungkulan sa lahat ng mga Tabukeños lalo na sa mga residente sa pitong nabanggit na barangay na mahigpit na sundin ang ipinatutupad na health and safety protocols gaya ng pananatili sa bahay, pagsusuot ng facemask at faceshield, at pagsasagawa ng disinfection.
Xian Renzo Alejandro / correspondent