15 hinihinalang drug smugglers patay sa army shootout sa Thailand
Napatay ng mga sundalong Thai ang 15 hinihinalang drug smugglers sa isang shootout, sa isang liblib na northern district malapit sa Myanmar border.
Nangyari ito sa Mae Fah Luang district ng Chiang Rai province, malapit sa “Golden Triangle” kung saan nagtatagpo ang Thailand, Myanmar at Laos, na matagal nang smuggling hub.
Matapos ang sagupaan, nadiskubre ng army personnel ang 17 mga bag na naglalaman ng mahigit sa dalawang milyong tableta ng amphetamine.
Ayon sa opisyal ng army na ayaw magpakilala, “We cannot identify yet whether the 15 were all Thais or not,”
Ang Myanmar ay isang major producer ng ilegal na amphetamines, na karamihan ay idinaraan sa Thailand at Laos upang maibiyahe at madala sa destinasyon nito.
Magulo ngayon sa Myanmar at napilay na ang ekonomiya nito simula nang magkaroon ng isang military coup noong Pebrero 2021, subali’t malakas na ang produksiyon ng naturang synthetic drug sa Shan state bago pa ang kudeta.
Hindi na bago ang nakamamatay na mga shootouts sa pagitan ng military patrols at drug smugglers sa mga kagubatan sa kahabaan ng northen border ng Thailand sa Myanmar.
Noong Setyembre, isang smuggler at isang police officer ang namatay sa isang sagupaan, habang noong isang taon ay 15 mga suspek ang binaril patay ng militar sa Chiang Rai, habang nagtatangka ang mga ito na tumawid sa hangganan habang naglalakad.