15,000 mga trabaho, available sa DOLE job fairs
Higit sa 15,000 overseas at local jobs ang available sa hybrid job fairs na inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE), simula ngayong Lunes.
Hinimok ni Labor Secretary Silvestre Bello ang displaced workers na lumahok sa job fairs, bilang bahagi ng paggunita sa ika-88 taong anibersaryo ng DOLE.
Ibig sabihin ng DOLE sa hybrid, ay ang limited face-to-face at online job fairs na isasagawa sa National Capital Region, Bicol region at Zamboanga peninsula hanggang Dec. 10.
Ayon kay Bello, 224 employers ang nag-aalok ng 15,569 overseas at local jobs.
Sa kabuuang bilang ng job vacancies, 2,971 ay available sa Saudi Arabia, United Kingdom, Germany, Japan, Kuwait at Qatar.
Ang job vacancies abroad ay para sa registered nurses, bakers, auto mechanics, household service workers at kitchen crew.
Sinabi ng kalihim na ang local employers ay nag-aalok naman ng 12,598 mga trabaho para sa customer service representatives, production workers, sewers, sales associates, salesmen, office staff, helpers at kitchen crew.
Ngayong araw ay may ginaganap na job fair sa DOLE Governance Learning Center sa Intramuros, Manila. Ang mga aplikante ay kailangan munang magpre-register sa JobQuestPH portal.
Samantala, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang magiging host ng isang job program para sa mga manggagawang na-displace bunga ng pandemya.
Sinabi ni DPWH Secretary Roger Mercado, na ilulunsad nila ang Assistance to Youth and Unemployed for Development and Advancement o Ayuda program, na naglalayong i-reemploy ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pagbabawas ng tao ng kanilang pinapasukan para makatipid, o pagsasara ng mga negosyo.