16 sa 50 sundalong namatay sa C130 plane crash sa Patikul, Sulu, nakilala na
Natukoy na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 16 sa 50 sundalong namatay sa pagbagsak ng C130 cargo military plane sa Patikul, Sulu noong Hulyo 4.
Ayon kay AFP chief Gen. Cirilito Sobejana, na nakilala ang mga ito matapos ang ginawang DNA testing at dental records matching sa mga biktima na halos hindi na nakilala dahil sa tinamong matinding sunog sa katawan.
Kabilang dito sina Philippine Air Force personnel Capt. Higello Emeterio at T/Sgt. Mark Agana, na ang mga labi ay dinala sa Clark Air Base sa Mabalacat city, Pampanga lulan ng NC-212i transport aircraft.
Dalawa naman ang ibiniyahe by land dahil taga-Mindanao ang mga ito.
Nauna nang sinabi ni Sobejana na ang pinakahuling fatality sa mga sundalo ay ang naka-confine sa West Metro Medical Center sa Zamboanga City na nagtamo ng chemical burns.
Maliban sa 50 sundalong namatay, 3 sibilyan rin ang namatay sa insidente.
Habang nasa 46 sundalo at 4 na sibilyan ang nasugatan.
Ang Scene of the Crime Operation (SOCO) team ng Philippine National Police ang tumutulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga biktima.