18-anyos na anak ni LeBron na si Bronny, pumirma ng kontrata bilang endorder ng Nike
Inanunsiyo ng Nike na si Bronny James, panganay na anak ng NBA superstar na si LeBron James, ay kabilang sa limang baguhang manlalaro ng basketball na pumirma ng endorsement deal sa kumpanya.
Ang nakababatang James, na nag-18 noong Huwebes, ay isang guard sa basketball team ng Sierra Canyon High School malapit sa Los Angeles.
Si Bronny James ay naging bahagi na ng marketing ng Nike para sa pinakabagong sneaker nito, ang Nike LeBron 20. Wala namang ibinunyag na financial terms para sa nabanggit na deal.
Una nang sinabi ni James, na umaasa siyang isang araw ay makakasama niyang maglaro sa NBA ang kaniyang anak.
Si Bronny James ay pumirma ng isang NIL deal — para sa name, image at likeness rights kasama ng apat na iba pang batang basketball guard.
Tatlo rito ay mga babae, na kinabibilangan nina JuJu Watkins na isa ring estudyante ng Sierra Canyon; Caitlin Clark ng University of Iowa; at Haley Jones ng Stanford.
Ang ika-lima ay si D.J. Wagner, isang New Jersey high school senior, na umaasang magiging unang third-generation player ng NBA.
Siya ay apo ni Milt Wagner, na nagwagi ng isang NBA title kasama ng Lakers noong 1988, at anak ni Dajuan Wagner, ka-teammate ni LeBron James sa unang dalawang NBA seasons nito sa Cleveland, bago natapos ang career dahil sa health issues noong 2006.
Ayon sa pahayag ng Nike, “Each athlete is recognized as a player who is paving the way for the next generation on and off the court. These athletes push Nike to think about new ways the game can break barriers, bring people together, build community and shape the future.”
© Agence France-Presse