18 katao na sangkot sa illegal boxing sa Gagalangin Tondo, nakatakdang sampahan ng kaso
Aabot sa 18 katao ang ipaghaharap ng reklamo matapos masangkot sa illegal boxing sa Gagalangin Tondo nitong weekend.
Ayon kay MPD Chief Brig General Leo Francisco, batay na rin ito sa mga nakilalang indibidwal sa mga video na nakalap ng pulisya.
Reklamong paglabag sa Republic Act 11332 o ng Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang isasampa sa mga ito sa piskalya.
Dahil sa patuloy na banta ng COVID-19, bawal ang mass gatherings at maging contact sports gaya ng boxing.
Kasama sa mga kakasuhan ay sina Brgy 182 Chairman Jaime Laurente, Brgy 181 Chairman Facipico Geronimo at Arnel Saenz na kagawad sa Barangay 182.
Wala ring lusot ang magulang ng menor de edad na pinag- boxing.
Aminado si Francisco na nahirapan sila sa pagkuha ng sinumpaang salaysay sa pangyayari pero hindi ito dahilan para makalusot sa asunto ang mga nakita sa video at mga pabayang opisyal ng barangay.
Kasama rin aniya sa iimbestigahan ang hepe ng MPD Station 1 lalo na ang Gagalangin dahil sa posibleng kapabayaan sa tungkulin.
Madz Moratillo