18 patay sa bagyo malapit sa Rio de Janeiro
Hindi bababa sa 18 katao ang nasawi sanhi ng pagguho ng lupa at pagbahang dulot ng malalakas na pag-ulan, sa isang tourist town sa mga burol sa itaas ng Rio de Janeiro, Brazil.
Ayon sa Rio de Janeiro Fire Department . . . “So far, 18 deaths caused by landslides and floods have been confirmed in recent hours.”
Sinabi nito na higit 180 mga bumbero at iba pang rescue workers ang ipinadala sa bayan ng Petropolis, 68 kilometro sa hilaga ng siyudad ng Rio.
Kaugnay nito ay idineklara na ang isang “state of disaster,” habang nagkalat naman sa social media ang larawan ng nawasak na mga bahay at mga sasakyang tinangay ng tubig baha.
Maraming mga tindahan ang inabot ng pagtaas ng tubig-baha na rumagasa sa mga lansangan ng makasaysayang sentro ng lungsod.
Ayon sa meteorological agency na MetSul . . . “Some parts of Petropolis received up to 260 millimeters (10 inches) of water in less than six hours, more than was expected for the whole month of February.”
Sinabi ng mga awtoridad na natapos na ang malalakas na buhos ng ulan, subali’t inaasahang makararanas pa ng katamtamang pag-ulan sa mga susunod pang oras.
Inatasan naman ni President Jair Bolsonaro, na nasa isang official trip sa Russia, ang kaniyang mga opisyal na agad na magkaloob ng tulong sa mga biktima.