19 na sailor-athletes, pinarangalan ng PH Navy dahil sa pag-uuwi ng medalya mula sa Hanoi SEA Games
Pinarangalan ng Philippine Navy (PN) ang 19 sa kanilang sailor-athletes na nakakuha ng medalya sa katatapos na 31st Southeast Asian Games (SEAG) sa ginanap sa Hanoi, Vietnam mula May 12 hanggang May 23.
Ang Navy athletes ay nag-courtesy call kay PN chief Vice Admiral Adeluis Bordado sa Navy headquarters sa Naval Station Jose Andrada, Roxas Boulevard, nitong Lunes.
Sinabi ni PN spokesperson Commander Benjo Negranza na binigyan ng plaques of recognition ang Navy athletes na mahusay na kumatawan sa organisasyon at nagbigay ng mahalagang kontribusyon sa medalyang napanalunan ng bansa sa regional multi-sport event na idinaos sa Hanoi, Vietnam.
Aniya, ang team ay nakakuha ng kabuuang 19 na medalya sa iba’t-ibang larangan ng palakasan, sa pangunguna ng gold medalists na sina Seaman Second Class (SN2) Ian Clark Bautista sa boksing; Apprentice Seaman (ASN) Afril Bernardino at ASN Marizze Andrea Tongco sa basketball; SN2 Philip Delarmino sa Muay Thai; at ASN Clinton Kingsley Bautista sa athletics.
Kabilang naman sa nakakuha ng medalyang pilak sina SN2 Jefferson Manatad at SN2 Jhonny Morte samen’s wrestling; ASN Irish Magno sa women’s boxing; ASN John Russel Misal sa table tennis; ASN Joanie Delgaco na nakakuha rin ng dalawang two bronze medals sa rowing; at ASN Aries Toledo sa athletics.
Samantala, nag-uwi ng medalyang tanso sina Petty Officer Third Class Jason Balabal na nagwagi ng dalawa sa men’s wrestling; SN2 Grace Loberanes sa women’s wrestling; SN2 Josie Gabuco at SN2 Riza Pasuit sa women’s boxing; at SN2 Roque Abala, Jr. sa rowing.
Ayon pa kay Negranza, habang ipinahahayag ang pagmamalaki at pagpapahalaga sa karangalang bigay ng mga nabanggit na Navy athlete sa bandila at sa mga mamamayang Filipino, ay muling pinagtibay ni Navy Chief Bordado ang walang patid na suporta ng command sa sports program nito na nagsisilbing training ground na nagbibigay daan para ma-develop ang mga atletang may “international caliber.” Hinikayat din niya ang mga ito na magpatuloy nang may kahusayan bilang “world-class athletes” ng Pilipinas.