$1bn-plus art collection ng Microsoft co-founder, ipagbibili ng Christie’s
Inanunsiyo ng Christie’s ang plano nitong i-auction ang art collection ng pumanaw nang Microsoft co-founder na si Paul Allen, na ayon sa kanilang pagtaya ay aabot sa higit isang bilyong dolyar ang halaga. Pahayag ng Christie’s, “The November sale of more than 150 pieces spanning 500 years of art will be the largest and most exceptional art auction in history.”
Isa sa art collection ang “La montagne Sainte-Victoire” na gawa ng French painter na si Paul Cezanne, na nagkakahalaga ng higit $100 million, ayon sa auction house. Bukod sa gawa ni Cezanne, kasama rin sa koleksiyon ni Allen ang “Small False Start” ng American painter na si Jasper Johns, na nagkakahalaga ng higit $50 million.
Sinabi ng Christie’s na lahat ng mapagbibilhan ay mapupunta sa charitable causes, gaya ng kahilingan ni Allen, na isang masugid na art collector, innovator at philanthropist.
Si Allen, na namatay noong 2018 sa edad na 65, ang co-founder ng Microsoft na itinayo nila ni Bill Gates noong 1975. Magkasama nilang binuo ang PC operating system na nagpasok ng kayamanan sa US technology giant.
Nilisan ni Allen ang kompanya noong 1983, dahil sa health problems at hindi na magandang relasyon kay Gates, na namalaging tagapamahala ng Microsoft hanggang 2000. Hindi na idinetalye ng Christie’s ang iba pang kasama sa koleksiyon, subali’t sa isinagawang traveling exhibit noong 2016 ay nakita na isa ngang malaking kayamanan ang katumbas ng art collection ni Allen. Kasama rin dito ang mga gawa ni Monet, Manet, Klimt at iba pa.
Ang auction ay gaganapin sa Nobyembre ngayong taon.
© Agence France-Presse