1M family food packs, nai-deploy ng DSWD sa mga lugar na maaapektuhan ng super typhoon Mawar
Naideploy at naiposisyon na ng Department of Social Welfare and Development ang nasa isang milyong family food packs na ipapamahagi sa mga posibleng maapektuhan ng super typhoon Mawar.
Ginawa ng DSWD ang pre-positioning bago pa man pumasok sa bansa ang super typhoon Mawar na tatawaging Betty sa sandaling pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR).
Sinabi ni DSWD Spokesman Assistant Secretary Romel Lopez na nakipag-ugnayan na ang mga field officers at personnel ng DSWD sa mga Local Government Units o LGUS upang maayos na maipamahagi ang mga relief goods.
Ayon kay Lopez nakahanda narin ang mga evacuation centers na pagdadalhan sa mga evacuees.
Batay sa pagtaya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Agency (PAGASA) papasok sa PAR ang bagyong Mawar na may kategoryang super typhoon ngayong Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga na makakaapekto sa dulong hilaga ng Luzon.
Vic Somintac