1st Cordilleran PNP Chief, pinangunahan ang iba’t-ibang aktibidad sa Benguet
Bumisita sa lalawigan ng Benguet ang kauna-unahang Cordilleran Philippine National Police (PNP) Chief PGen Camilo Pancratius Cascolan para pangunahan ang ilang mahahalagang okasyon at aktibidad partikular sa Lungsod ng Baguio.
Una rito, dinaluhan ni Cascolan ang flag ceremony sa Baguio City Hall kung saan ay pinangunahan nito ang turnover ceremony ng mga sasakyan, mga armas at bala habang nakamasid ang Local Government (LGU) Officials sa pangunguna ni Mayor Benjamin Magalong, PROCor Director PBGen r’win Pagkalinawan at BCPO City Director PCol Allen Rae Co.
Namahagi rin ang grupo ni General Cascolan ng food at relief packs sa slaughter compound ng Barangay Sto Niño para sa mga residenteng naapektuhan ng hard lockdown order kamakailan dahil sa ilang kaso ng COVID-19 sa lugar.
Matapos matanggap ng mga opisyal ng Barangay ang naturang ayuda ay dumiretso na ang grupo nng PNP Chief sa Camp Badu Dangwa sa Munisipalidad ng La Trinidad.
Matapos ang Welcome Ceremony sa pangunguna ng mga pulis na nakasuot pa ng cultural at tribal attire, pinangunahan na ni Cascolan ang Special Weapon And Tactics o SWAT challenges closing ceremony, presentation of confiscated and surrendered firearms, guns and ammo na karamihan ay nakumpiska mula sa mga indibiduwal at makakaliwang grupo na isinagawa sa loob ng Police Regional Office of Cordillera ( PROCor ) Headquarters.
Isinagawa rin ang ceremonial burning ng Marijuana plants na sa pagtaya ng Dangerous Drugs Board, ito ay may katumbas na halagang P20 milyon.
Ang naturang hakbang ay bahagi ng pagsunod sa mahigpit na kampanya at kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad sirain at durugin ang mga nakukumpiska at nakukuhang mga ebidensya laban sa iligal na droga.
Bahagi ng mensahe ni General Cascolan ay ang pasasalamat niya sa mga miyembro at opisyal ng PROCor lalo na sa lahat ng miyembro at itinuturing na ” Most Disciplined Cops in the Country”. Umaasa rin ang Police Chief na lalo pang pagbubutihin ang pagtupad ng kanilang mga gampanin para sa kapakanan ng mga mamamayan, kapayapaan at katiwasayan lalo na sa panahon ng krisis dulot ng pandemya sa rehiyon.
Freddie Rulloda