2-3 pulis handa nang ‘kumanta’ sa isyu ng P6.7B shabu bust sa Maynila – dela Rosa
Handa na umanong magsalita ang dalawa o tatlong pulis sa kanilang nalalaman sa nangyaring P6.7 billion shabu bust operations sa Maynila kung saan naaresto si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo.
Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ihahayag ng mga nasabing pulis ang kanilang nalalaman dahil natatakot silang masira ang kanilang kinabukasan at nang kanilang pamilya.
Tumanggi muna si dela Rosa na isiwalat ang nakuhang impormasyon sa mga pulis na sasabihin aniya sa public hearing sa susunod na linggo
Kumbinsido naman si dela Rosa na may mataas pang opisyal ng pulisya ang posibleng kasabwat ng mga pulis na siyang aalamin ng Senado.
“Ikaw sarhento ka, hindi ka magtapang-tapangan kung walang back-up sa ‘yo na mataas, ikaw colonel, ganun, ganun yan,” paliwanag pa ni dela Rosa.
Sinabi ng senador na hindi pa rin ‘off the hook’ si dating Philippine National Police Chief General Rodolfo Azurin Jr. sa umano’y tangkang cover-up sa kaso.
“We’re almost there, but not yet. So yun ang estado. Unless talaga kung sa next hearing ay magsabi si [Gen. Narciso] Domingo na may instruction talaga o clearance si Gen. Azurin na itago si Mayo, huwag kasuhan. But then again, hanggang attempted cover-up lang tayo diyan dahil wala namang nangyari na consummated na cover-up dahil nakasuhan na si Mayo,” paliwanag pa ni dela Rosa.
Sa ngayon walang balak ang mga senador na palayain ang pitong pulis na ikinulong sa basement ng Senado matapos patawan ng contempt dahil sa pagtangging sumagot sa tanong kung saan nanggaling ang shabu at sino ang mga importante ng mga pulis
Sabi ni dela Rosa, dalawang room ang okupado ng mga ipinakulong na pulis.
Pagtiyak pa ng senador na hindi maaring makompromiso ang seguridad sa Senado dahil sa pagkakabilanggo ng pitong pulis lalo’t bantay sarado ang gusali.
Meanne Corvera