2 Barangay at 2 hotel sa Maynila isasailalim sa lockdown
Dalawang barangay at ilang hotel ang isasailalim sa 4 na araw na lockdown sa Maynila.
Ang kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno ay kasunod ng pagtaas ng COVID- 19 cases sa mga nasabing lugar.
Layon ng lockdown na mabigyang daan ang pagsasagawa ng malawakang contact tracing at testing sa mga nasabing lugar.
Kaugnay nito, mula 12:01 AM ng Huwebes, Marso 11 hanggang 11:59 PM ng Linggo, Marso 14 ay isasailalim sa lockdown ang Barangay 351 at 725 at 2 hotel na sakop ng Barangay 699.
Sa datos ng Manila Health Department, ang Barangay 351 sa San Lazaro – Tayuman ay mayroong 12 active cases ng COVID 19
Habang 14 active cases naman sa Barangay 725 sa Malate.
Kabilang naman sa mga hotel na isasailalim sa lockdown ay ang Malate Bayview Mansion kung saan may naitalang 14 na kumpirmadong kaso ng COVID- 19 at Hop Inn Hotel sa Ermita kung saan may 3 namang kaso ng virus infection rin ang naitala.
Inirekumenda naman ng Manila Health Department na maideklara bilang “Critical Zones” ang mga nasabing barangay kung saan paiiralin ang Enhance Community Quarantine guidelines.
Sa panahon ng lockdown, ang residente sa mga nasabing barangay ay bawal munang lumabas ng kanilang bahay maliban sa mga health workers at iba pang nasa frontline service.
Babala naman ni Mayor Isko sa mga magpapasaway sa panahon ng lockdown, ilalagay sa quarantine facility sa loob ng 14 na araw.
Tiniyak naman ng alkalde na bibigyan ng food assistance ng lokal na pamahalaan ang mga residente sa nasabing barangay.
Sa kabuuan ay nasa 988 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Nasa 27, 639 naman ang nakarekober mula sa sa sakit habang may 817 ang nasawi.
Madz Moratillo