2 barko nagkabanggaan sa South Harbor Anchorage area sa Maynila
Dalawang barko ang nagkabangaan sa South Harbor Anchorage area sa Maynila kaninang pasado alas-2:00 ng madaling araw.
Ayon sa Philippine Coast Guard, sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon sa dahilan ng banggaan ng cargo vessel na MV PALAWAN PEARL at BKM 104.
Ayon sa PCG, ang BKM 104 ay isang foreign utility vessel na kinontrata para magsagawa ng dredging at iba pang land development activity na kinakailangan sa pagpapatayo ng New Manila Airport.
Sa ngayon ay nananatiling naka-half submerge ang MV PALAWAN PEARL.Inoobserbahan naman ang ‘oil sheen’ sa paligid nito.
Nabatid na ang MV PALAWAN PEARL ay may lamang humigit-kumulang 3 libong litro ng diesel oil sa kanilang oil storage tank bago naganap ang insidente.
Bukod pa ang isang drum ng diesel oil, 60 litro ng engine oil, at limang litro ng bilge oil.Para makontrol ang pagkalat ng langis, maglalatag ng apat na segment ng oil spill boom ang PCG Marine Environmental Protection Command sa paligid ng barko.
Wala namang nasaktan sa mga tripulante ng MV PALAWAN PEARL at BKM 104.
Madz Moratillo