2 notices to airmen ipinalabas ng CAAP dahil sa pag-a-alboroto ng Bulkang Mayon, Taal at Kanlaon
Nag-issue ng tatlong Notices to Air Men (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahil sa pagtaas ng alert level sa Mayon Volcano sa Albay, Taal Volcano sa Batangas at Mount Kanlaon sa Negros Occidental.
Pinagbabawalan ang mga eroplano na lumipad malapit sa mga nasabing bulkan dahil sa posibleng steam driven phreatic eruptions.
Nasa alert level 2 ang Bulkang Mayon, at alert level 1 naman ang Bulkang Taal at Bulkang Kanlaon.
Sa bulletin na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong araw, June 7, iniulat na naitala sa nakalipas na 24-oras ang 2 volcanic earthquakes at 46 na rock fall events batay sa seismic at visual observations.
“The rockfall events lasted 1-3 minutes and emplaced lava debris on the southern gullies within a kilometer from the summit crater. Thin ash from the rockfalls also drifted to the general south,” nakasaad sa PHIVOLCS bulletin.
Pina-alalahanan ang publiko na posibleng magresulta sa phreatic eruptions na maaaring sundan ng hazardous magmatic eruptions ang kasalukuyang sitwasyon sanhi ng shallow magmatic processes.
Sa Bulkang Taal, hinihikayat ng PHIVOLCS ang mga naninirahan malapit sa bulkan na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan na nakasara ang mga bintana at pinto at magsuot ng facemask dahil sa tumataas na sulfur dioxide emission.
Sa bulletin, sinabi ng PHIVOLCS na ang sulfur dioxide na ibinubuga ng bulkan ay acidic na kapag nahaluan ng water vapor ay nagiging vog (pinagsamang salita na volcanic at smog) na maaaring makairita sa mga mata, lalamunan at respiratory tract depende sa gas concentration at exposure.
Nakasasama ito sa mga may health condition gaya asthma, lung disease at heart disease, maging sa mga matatanda, buntis at mga bata.
Kahapon, June 6, naglabas ang bulkang taal ng 9,391 tons ng sulfur dioxide, mas mataas kumpara sa 5,831 tons na naitala noong huwebes, June 1.
Samantala, bantay sarado naman ng Office of Civil Defense (OCD) ang abnormalidad sa nasabing mga bulkan.
Inatasan na nang OCD ang mga opisyal ng risk reduction council na maghanda sa oras na mangyari ang hindi inaasahan sa tatlong nabanggit na bulkan
Ipinasu-suspinde na rin ng lokal na pamahalaan ng Albay ang mga aktibidad gaya ng pagsasaka at turismo sa 6-kilometer radius permanent danger zone sa Bulkang Mayon dahil sa banta ng posibleng pagsabog nito.
Tinatayang nasa mahigit 5-libong pamilya ang naninirahan malapit sa paanan ng bulkan.
Weng dela Fuente