2 pang maliliit na pagsabog, naitala sa Bulkang Taal ngayong umaga
Nakapagtala ng karagdagan pang dalawang phreatomagmatic eruptions o maliliit na pagsabog sa Bulkang Taal kaninang madaling-araw.
Sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director at DOST Undersecretary Renato Solidum, nasa 400-800 meters ang taas ng plume sa pagitan ng 4:34 at 5:04 ng umaga.
Ang plumes ay napadpad sa direksyong Timog-Kanluran.
Nauna nang naobserbahan sa bulkan ang dalawang phreatomagmatic activity kahapon ng umaga.
Babala ni Solidum, posibleng magkaroon pa ng mga pagsabog kaya kinakailangan ang ibayong pag-iingat.
Sa ngayon aniya ay tahimik muli ang Bulkan at wala pang naitatalang sumunod na mga pagsabog.
Sa nakalipas na 24 oras ay nakapagtala sa bulkan ng 14 na volcanic earthquakes kabilang ang 10 volcanic tremor na may haba na 2-3 minuto at 4 na low frequency volcanic quakes.
Nananatiling mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano island at mga high-risk barangay ng Agoncillo at Laurel at pagpalaot sa lawa ng Taal.
Bawal din ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Paalala ng Phivolcs, maaaring maganap ang mga sumusunod:
- biglaang malakas na pagsabog
- pyroclastic density currents o base surge
- volcanic tsunami
- pag-ashfall
- pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas