20% ng target population sa Metro Manila, posibleng maging fully vaccinated na sa Agosto – OCTA
Posibleng umabot na sa 20 percent ng populasyon sa National Capital Region ang maging fully vaccinated na pagsapit ng Agosto.
Ito ang naging pagtaya ni Dr. Guido David ng OCTA Research group kung ang pagbabatayan ay ang kasalukuyang estado ng pagbabakuna sa rehiyon.
Aniya, nasa 8% na ng adult population sa Metro Manila ang fully vaccinated na.
Malaking bagay na aniya ito dahil darami na ang protektado at kung maabot ang 20% sa Agosto ay maikukunsidera na itong isang landmark achievement.
Maaari na rin aniyang makamit ng pamahalaan ang population protection o herd immunity.
Binigyang-diin pa ni David na maikukunsidera ng pamahalaan ang antas ng pagbabakuna sa kanilang pasya kung pananatilihin sa General Community Quarantine o ilagay na Modified GCQ ang NCR sa susunod na linggo.