200 kabataan, tumanggap ng Anti-Flu vaccine sa Navotas City
Sa kabila ng maulang panahon, nasa 200 kabataan ang nabakunahan ng Anti-Flu Vaccine, sa programang inilunsad ng Barangay NBBS Dagat-dagatan sa Lungsod ng Navotas.
Pinangunahan ni Doctor Ferdinand Salvadora ang nasabing Anti-flu vaccination sa mga kabataan, na may edad 3 hanggang 5 taong gulang.
Sa panayam kay Ginang Ligaya Barnes, Pangulo ng Barangay Health Worker sa Lungsod, layunin ng nasabing programa na mapigilang lumala ang kundisyon ng mga kabataan kung sila man ay dapuan ng lagnat.
Paalala pa ng opisyal sa mga magulang, huwag mag-atubiling magtungo at komunsulta sa Barangay Health Office kung may karamdaman ang kanilang mga anak, upang agad na malapatan ng lunas.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga magulang sa isinagawang programang pangkalusugan, sa tulong ng Barangay Health Workers at sa paggabay ni Barangay Chairwoman Zenaida Tibulan.
Aldrin Puno