200-toneladang piraso ng gumuhong tulay sa Baltimore, inalis ng mga trabahador
Inalis ng mga trabahador ang unang 200-toneladang tipak ng gumuhong tulay ng Baltimore, habang nagpapatuloy din ang pag-aalis sa mga steel structure na sinira ng barkong nawalan ng kontrol.
Gamit ang blow torches ay hiniwa ng demolition crews ang itaas na bahagi ng Francis Scott Key Bridge, na nasira nang mawalan ng kuryente ang Dali cargo vessel at bumangga sa tulay na ikinamatay ng anim katao.
Umaasa ang mga awtoridad na ang paunti-unting pag-aalis sa tulay ay makatutulong sa rescuers na marekober ang bangkay ng lahat ng mga biktima, at muling mabuksan ang mahalagang shipping lane.
Sinabi ni US Coast Guard spokeswoman Kimberly Reaves, “The first lift was made last night after the cutting of the top portion of one of the northern sections of the Key Bridge was completed.’
Aniya, “The piece removed last night was approximately 200 tons, it would be moved to a barge that, once filled with additional pieces, would be taken to a debris-holding site on land.”
Habang nagpapatuloy ang salvage operations ay sinabi ni Maryland Governor Wes Moore, “progress is beginning to happen despite the fact that it’s an incredibly complicated situation.”
Sinabi niya na ang kondisyon ng panahon at underwater debris ay nangangahulugan na hindi maaaring tumulong ang divers.
Ayon kay Moore, isang napakalaking crane, ang Chesapeake 1,000 na kayang bumuhat ng isanglibong tonelada, ay ginagamit sa salvage operation.
Gayunman, sinabi ng multi-agency task force na nangangasiwa sa operasyon na dalawang mas maliliit na crane, isa na tumitimbang ng 650 tonelada at isa pa na tumitimbang ng 330 tonelada, ang aktwal na ginagamit sa operasyon.
Sabi pa ni Moore, “the recovery would be a ‘long road,’ but movement is happening.”
Ang mahirap na kondisyon ay nakahadlang sa mga pagsisikap na mabawi ang bangkay ng road workers na pawang Latino immigrants, na namatay nang gumuho ang tulay, kung saan dalawa pa lamang sa anim na bangkay ang nakuha.
Ang shipping papasok at palabas ng Baltimore na isa sa pinaka-abalang daungan sa Estados Unidos ay itinigil, dahil ang waterway ay hindi maraanan sanhi ng malawak na pagkasira.
Ayon kay Moore, prayoridad niya na marekober ang bangkay ng mga biktima bago muling buksan ang channel.
Aniya, “It’s impacting the nation’s economy. It’s the largest port for new cars, heavy trucks, agricultural equipment. It’s impacting people all over the country.”
Sinabi naman ni Transportation Secretary Pete Buttigieg, na walang timeline upang mahawan ang daungan at muling mabuksan ang pantalan.
Ayon kay Buttigieg, “It takes a lot to make sure that it can be dismantled safely, to make sure that the vessel stays where it is supposed to be and doesn’t swing out into the channel, but it has to be done.”