2022 Table Tennis US Open Championship, na-shock sa husay ng isang batang Pinoy
Isang 16-years old na Pinoy ang gumawa ng kasaysayan sa 2022 Table Tennis US Open Championship na gumulat sa maraming tagahanga ng nasabing laro.
Ito’y matapos na makapag-uwi si Aljay Villena ng Munoz, Nueva Ecija ng tatlong medalya (2 golds and 1 silver) sa 2022 US Open na nilahukan ng 940 na pinaka-magagaling na manlalaro mula sa ibat-ibang mga bansa sa buong mundo.
Labingpito (17) sa mga ito ay tinalo ni Aljay sa straight sets.
Ang tagumpay na ito ay kamangha-mangha kung isasaalang-alang na si Aljay ay nagsimula lamang ng pagsasanay sa edad na 8, at nagsanay lamang ng 5 taon habang ang kanyang mga kalaban ay naglalaro ng 10 hanggang 30 taon.
Nagsimula ang pakikibaka ni Aljay sa mundo ng table tennis sa San Jose, Nueva Ecija, kung saan ay nagsanay siya ng isang taon sa ilalim ng pagtuturo nina coach Waldo Cristobal at coach Herminio Sasay Marquez sa isang pribadong warehouse na ipinagamit ng Radio Broadcaster na si Angelo Palmones para maging table tennis court.
Sa ead na 10 taong gulang pa lamang, nasungkit kaagad ni Aljay ang kampeonato sa World Championship Elimination na ginanap sa Rizal, Nueva Ecija. Nilahukan ito ng mahigit 200 magagaling na mga manlalaro mula sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Nang sumunod na taon, kinatawan ni Aljay ang Pilipinas sa 2019 World Championship of Pingpong na ginanap sa Alexandra Palace London, kung saan nakaharap niya ang ilan sa mga pinakamahusay na manlalaro sa mundo, kabilang ang mga manlalaro sa Olympics.
Sa kabila ng pagiging pinakabatang manlalaro, nagawa ni Aljay na umakyat sa ika-45 na posisyon mula sa 65 mga manlalarong kasali sa torneo.
Ang kahanga-hangang performance ni Aljay sa London ay pumukaw ng atensyon ng marami sa mundo ng table tennis.
Nang sumunod na taon, nanalo siya sa World Championship elimination ng Pingpong kasama si Peejay Atienza sa San Simon, Pampanga noong Setyembre 2019, at kinatawan nila ang Pilipinas sa 2020 World Championship of Pingpong sa Alexandra Palace, London.
Doon, tinalo ni Aljay si Sarah Her Lee, isang Olympic player mula sa Switzerland, at isa pang manlalaro mula sa England, na nagtulak sa kanya sa ranking na 32.
Ang mga kasanayan ni Aljay sa sports ay hindi limitado sa mga karaniwang raket ng table tennis. Sa hardbat at sandpaper, si Aljay ang tinaguriang pinakamagaling sa Pilipinas, at walang nakatalo sa kanya. Kahit sa rubber bat, nasa top 10 si Aljay sa Pilipinas.
Maging Si Dr. Mike Babuin, direktor ng table tennis sa USA, ay humanga sa husay ni Aljay kaya’t nasabi nito na balang araw ay mananalo siya sa Olympics.
Mataas din ang papuri ni Steven Claffin, ang organizer ng World Pingpong Tournament, kay Aljay, na tinawag siyang “the BEAST” sa table tennis. Na-inspire si Steven sa pagganap at pagpapakumbaba ni Aljay kaya iminungkahi niya ang World Pingpong Tournament na ganapin sa Pilipinas sa 2024.
Kahit si Alexander Flemming ng England, ang 2022 champion ng World Championship ng Pingpong, ay malaki ang pag-asa para sa kinabukasan ni Aljay, na pinayuhan siyang mag-focus hindi lamang sa sports kundi sa kanyang pag-aaral.
Sumasang-ayon ang lahat ng mga sandpaper at hardbat players na kung si Aljay ay lubos na susuportahan ng gobyerno, marami siyang maiuuwing karangalan sa bansa.