2023 Bar Exams itinakda sa September 17, 20, at 24
Inilabas na ng Korte Suprema ang mga petsa ng pagsasagawa ng 2023 Bar Examinations.
Sinabi ni Supreme Court Associate Justice at 2023 Bar Exams Chair Ramon Paul Hernando na idaraos ang pagsusulit sa Setyembre 17, 20, at 24 sa susunod na taon.
Inanunsiyo pa ni Hernando na inaprubahan din ng Supreme Court En Banc ang rekomendasyon niya na “condensed coverage” ng bar exams.
Ibig sabihin ay pagiisahin ang ilang law subjects gaya ng Commercial Law at Taxation Law.
Ang Remedial Law at Legal and Judicial Ethics ay pagsasamahin naman sa Practical Exercises.
Inihayag pa ni Hernando na may six-core subjects na ang three-day bar exams.
Ayon sa mahistrado, kailangan na i-modernisa ang pagsasagawa ng bar exams para makahabol sa best practices na ipinapatupad ng ibang legal jurisdiction.
Ipinaliwanag pa ni Hernando na ang dahilan kaya inilipat sa Setyembre mula sa Nobyembre ang iskedyul ng eksaminasyon ay para mare-focus ang pag-aaral ng abogasya sa fourth-year review classes sa halip na post-graduate Bar review.
Bukod dito, magkakaroon aniya ng oportunidad para sa early employment ang mga bagong abogado at mabawasan ang gastos sa bar exams review.
Moira Encina