2023 Bar Exams sa Setyembre mananatiling digitalized at regionalized
Gagawin pa rin na digitalized at regionalized ang bar examinations sa susunod na taon bilang bahagi ng patuloy na reporma sa pagsusulit.
Una nang inanunsiyo ng Korte Suprema na gaganapin ang tatlong araw na pagsusulit sa September 17 (Linggo), 20 (Miyerkules), at 24 (Linggo).
Pagsasamahin ang ilang law subjects o magiging condensed ang bar exams coverage.
Sa bar bulletin na inisyu ni 2023 Bar Exams Chair at Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando, sinabi na hahatiin ang eksaminasyon sa anim na core subjects.
Sa day 1 ng bar exams ang Political and Public International Law at Commercial and Taxation Laws.
Sa ikalawang araw ay ang Civil Law at Labor Law and Social Legislation.
Sa huling araw naman ay ang Criminal Law at Remedial Law, Legal and Judicial Ethics with Practical Exercises.
Bubuuin ang pagsusulit ng 20 “straightforward” at “entry-level questions” na essay type form.
Bunsod ng dumaraming bilang ng examinees ay magkakaroon ng apat na examiner per subject ang 2023 Bar Exams.
Moira Encina