2023 proposed budget ng DOJ at attached agencies, kinilatis ng komite sa Senado; NBI at ilang tanggapan, natapyasan ng pondo
Tinapos na ng komite sa Senado ang pagtalakay sa panukalang budget ng DOJ at ng attached agencies nito para sa 2023.
Umaabot sa halos P26.7 billion ang panukalang pondo para sa Department of Justice ( DOJ) at attached agencies nito para sa susunod na taon.
Pinakamalaki sa pupuntahan ng nasabing pondo ay para sa personnel service na P21.8 billion.
Sa pagdinig ng Senate Finance Committee, iprinisinta ng DOJ ang detalye ang pupuntahan ng panukalang pondo ng kagawaran.
Bagamat tumaas ng P1 bilyon ang kabuuan ng budget ng DOJ para sa susunod na taon kumpara ngayong 2022 ay may ilang tanggapan ang nabawasan ng pondo.
Pangunahin na rito ang NBI na mula sa P2.325 billion na pondo ngayong 2022 ay naging P1.856 billion para sa 2023 o nasa 20% na tapyas.
Aminado si NBI Director Medardo De Lemos na lubhang makakaapekto ito sa operasyon ng kawanihan.
Ang nasa P469 million na nabawas aniya ay nakalaan sana sa pagbili ng mga kagamitan para sa enforcement operations ng NBI.
Kabilang din sa nakaltasan ng pondo ang Special Enforcement and Protection Sub- Program ng Office of the Secretary na mula sa P141.8 million ay naging P93.2 million sa 2023.
Partikular sa nabawasan ng budget ang Anti Trafficking in Persons Enforcement at Anti Cybercrime Enforcement.
Inamin din ng DOJ na posibleng may epekto ang budget slash sa IACAT sa laban nito sa human trafficking at online sexual exploitation sa kabataan.
Sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Ty na kasama sa nawalang pondo ng IACAT ay ang sa training at ang confidential funds.
Umaasa si Ty na maibabalik ng Senado ang tinapyas na budget.
Kasabay na iprinisinta ng DOJ sa budget hearing, ang mga major accomplishment ng kagawaran
Kabilang na rito ang mataas na prosecution success rate na 91.8% noong 2021 at case disposition rate na higit 92%, at pagkabawas ng 25% sa case backlogs.
Moira Encina