2024 season, sisimulan ni Djokovic at Swiatek sa Perth
Kapwa bubuksan nina Novak Djokovic at Iga Swiatek ang kanilang 2024 campaigns sa Perth, Australia.
Kakaharapin ng Serbia ang Czech Republic at China, habang ang top seeds na Poland ay makakalaban ng Spain at isang hindi pa natutukoy na bansa sa event na gaganapin mula December 29-January 7, isang pangunahing lead-up sa Australian Open.
Ang defending champions na United States, sa pangunguna ni Taylor Fritz at Jessica Pegula, ay lalaban din sa Perth, kasama ng Australia at Britain.
Habang ang second seeds na Greece, na ipinagmamalaki sina Stefanos Tsitsipas at Maria Sakkari, ay magsisimula sa Sydney laban sa isang Canada team na kinatatampukan ni Felix Auger-Aliassime at Leylah Fernandez.
Lalaban din sa Sydney ang grand slam champion na si Angelique Kerber, sa kaniyang pagbabalik mula sa kaniyang maternity leave, na kakatawan sa Germany kasama si Alexander Zverev na lalaban naman sa France at Italy.
Pangungunahan ni Borna Coric at Donna Vekic ang Croatia laban sa Netherlands at si Casper Ruud ang Norway.
Bawat team, na binubuo ng tatlong lalaki at tatlong babae, ay sasalang sa isang round-robin format, kung saan ang ties ay bubuuin ng isang men’s at isang women’s singles at isang mixed doubles clash.
Ang winning group sa bawat siyudad ay aabante sa quarter-finals, kasama ng best runner-up.
Ang semi-finals at final ay gaganapin sa Sydney kung saan nakataya ang US$15 million prize money at ATP at WTA rankings points.
Narito ang draw para sa United Cup:
Perth
Group A – Poland, Spain, TBC
Group C – United States, Britain, Australia
Group E – Czech Republic, China, Serbia
Sydney
Group B – Greece, Canada, TBC
Group D – France, Italy, Germany
Group F – Croatia, Netherlands, Norway