22 menor de edad sa Socorro group, pinuwersa sa common law o live- in relationship – Remulla
Aabot sa 19 babae at tatlong lalaking menor de edad ang nasa common law o live -in relationship sa mas nakatatanda sa kanila sa Socorro Bayanihan Services Incorporated.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla matapos ang ginawang pakikipag-pulong nito sa mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Education (DepEd) kaugnay sa mga isyu sa Socorro group.
“We found out there were 19 children who are in common law relationships. We are talking about teenagers 18 down. Common law wives sila ng mga adult doon sa Socorro. Sila’y nagbubuhay mag-asawa nang hindi kasal. Parang live in relationship pero ito ay mga bata na some of them, many of them below 18 involve in common law relationship. May mga lalake rin. May tatlong lalake na minors na with adults naman na babae.” pahayag ni Secretary Crispin Remulla
Ayon kay Remulla, mga paglabag sa Child and Youth Welfare Code at Revised Penal Code ang maaaring ikaso kaugnay sa common law relationship ng mga bata sa Socorro.
“Parang ignorance is bliss. Pero ang findings ng DSWD ang lakas ng level ng malnutrition ng mga bata. Malnourished. Hindi maganda ang buhay nila. They know no other life parang masaya sila hindi mo masabi kung bakit ganon.”dagdag pa ng Kalihim
Sinabi ng kalihim na kailangan ng gobyerno ng holistic approach sa mga problema ukol sa grupo na ang isa sa mga pinakalayunin ay mapangalagaan ang kapakanan ng mga bata doon.
“It’s really a matter of looking at it holistically. Sila ay maging healthy community of people na paano natin sila i-lead doon. Saan nagkulang ang gobyerno?” wika pa aniya ng Kalihim.
Moira Encina