22 taon makalipas ang trahedya ng 9/11, dalawa pang biktima natukoy na sa pamamagitan ng bagong DNA method
Dalawampu’t dalawang taon makalipas ang September 11 jihadist attacks sa Estados Unidos, ang labi ng dalawa kataong namatay sa pagguho ng World Trade Center ay natukoy na sa pamamagitan ng DNA analysis.
Ito ang sinabi ng mga awtoridad, bago ang ginawang paggunita sa sakunang nangyari noong 2001.
Ang pagkakakilanlan sa dalawa, na isang babae at isang lalaki ay hindi muna ibinunyag sa kahilingan ng kanilang pamilya.
Dahil dito sinabi ng alkalde ng lungsod at ng Office of the Chief Mecical Examiner (OCME), na umabot na sa 1,649 ang bilang ng mga biktima na ang labi ay natukoy na, mula sa kabuuang 2,753 na namatay nang ibangga ng isang Al-Qaeda commando ang dalawang hinayjak nilang civilian airliners sa twin towers ng New York.
Ayon kay Mayor Eric Adams, “We hope these new identifications can bring some measure of comfort to the families of these victims, and the ongoing efforts by the Office of Chief Medical Examiner attest to the city’s unwavering commitment to reunite all the World Trade Center victims with their loved ones.”
Ngunit sa 1,104 na biktima na hindi pa nakikilala, ang progreso ay napakabagal.
Nang ang south tower ng trade center, at pagkatapos ay ang north tower, ay gumuho sa nakabibinging dagundong, na may pag-ulan ng apoy, nakasasamid na abong alikabok at nabaluktot na mga bakal sa kalsada ng Manhattan, ang pinsala ay naging napakatindi, anupa’t walang naiwang bakas ng daan-daang nawawala.
Ang dalawang pinakabagong pagkakatukoy ay naging posible sa pamamagitan ng paggamit ng “next-generation sequencing technology” na mas sensitibo at mabilis kaysa sa conventional DNA techniques.
Ang labi ng lalaki at babae ay natagpuan ilang taon na ang nakalilipas.
Ang 2001 attacks ay ginugunita tuwing Setyembre 11 sa New York, na ngayon ay natapat ng Lunes.
Matatandaan na labingsiyam na jihadists, na karamihan ay Saudi nationals, ang nang-hijack ng apat na eroplano.
Bilang karagdagan sa dalawa na nagwasak sa World Trade Center, ang ikatlong eroplano ay ibinangga sa Pentagon malapit sa Washington na nagdulot din ng malubhang pinsala, at ang ika-apat naman ay bumagsak sa isang field sa Shanksville, Pennsylvania, matapos labanan ng mga pasahero at crew ang mga attacker.
Kung pagsasamahin, ang naturang terror attacks noong Setyembre 11, 2001 ay kumitil ng 2,977 buhay.