23 dayuhan na idinadawit sa Pasay POGO scam operations, naghain ng not guilty plea; Akusadong Chinese na nawawala, hindi pa rin matunton ng mga otoridad
Binasahan na ng sakdal ng korte sa Pasay City ang 23 banyaga na naaresto sa isang POGO hub sa lungsod noong Agosto 1.
Ayon kay Atty. Gloria Quintos, legal counsel ng ilan sa mga akusadong foreign nationals, naghain ng not guilty plea sa arraignment ngayong Miyerkules ang 23 akusado.
Ang mga banyaga ay nahaharap sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code in relation to Anti-Cybercrime Law.
Dumalo ang mga dayuhan sa arraignment ng Pasay City Regional Trial Court Branch 111 sa pamamagitan ng video conferencing.
Ang mga nasabing akusado ay nakapiit sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Annex 3 sa Bicutan, Taguig City.
Una nang naghain ang abogado ng petition for habeas corpus para mapalaya pansamantala ang kaniyang mga kliyente pero ito ay ibinasura ng korte.
May lima namang akusado na hiniling sa korte na maipagpaliban ang pagbasa ng sakdal sa kanila.
Hindi kasama sa arraignment ang Chinese national na nawawala o nakatakas mula sa pagkakaditene sa POGO facility sa Pasay.
Sinabi ni Quintos na hindi pa rin matunton ng mga otoridad ang kaniyang kliyente.
Wala rin aniya siyang komunikasyon sa nasabing Chinese client mula nang maiulat ito na nawawala noong nakaraang linggo.
Una nang bumuo ng tracker teams ang DOJ na kinabibilangan ng National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration.
Kaugnay nito, naglabas ang korte ng show cause order para ipaliwanag ng Inter -Agency Council Against Trafficking, PNP at iba pang ahensya kung bakit nawala ang akusadong Chinese.
Ang mga nasabing ahensya ang nagbabantay sa gusali ng sinalakay na POGO firm sa Pasay.
Itinakda naman ng Pasay RTC ang pre-trial ng kaso laban sa foreign nationals sa susunod na Miyerkules, Setyembre 6.
Moira Encina