24 parke sa Metro Manila, isinasailalim sa rehabilitasyon ng MMDA bilang bahagi ng pagpapaunlad ng open spaces sa NCR
Umaabot sa 24 na parke sa iba’t ibang lungsod sa NCR ang kasalukuyang niri-rehabilitate ng Metro Manila Development Authority (MMDA) bilang bahagi ng Adopt-A- Park Project nito.
Layunin ng programa na mag-develop ng mga open at green spaces sa Metro Manila na puwedeng paglaruan ng mga bata at puntahan ng mga pamilya.
Ang Buting Linear Park sa Pasig City ang isa sa mga natapos nang proyekto ng MMDA sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Pasig City.
Pinasinayaan ito nina MMDA OIC Baltazar Melgar at Pasig City Mayor Vico Sotto.
Makikita sa parke ang ilang play sets gaya ng mga slides at seesaw para sa kabataan.
May equipment din para sa makapag-exercise ang mga matatanda.
May espasyo din para makapag-ehersisyo gaya ng Zumba ang mga residente sa lugar.
Ayon sa MMDA, hindi lalagpas sa P20 million ang iginugol sa proyekto na pinagtulungan ng LGU at ng ahensya.
Sinabi ni Mayor Sotto na napatunayan na ang mga open spaces gaya ng parke ay makabubuti hindi lamang sa pisikal na kalusugan kundi maging sa mental health ng mga residente kaya napakagandang proyekto nito.
Tiniyak ng MMDA at LGU na ligtas ang parke kahit tabing ilog dahil may inilagay na river wall at may nakatalaga rin na bantay sa lugar.
Hinimok naman ang MMDA ang mga lider ng barangay at mga residente na gagamit ng parke na panatilihin ang kalinisan at kaayusan ng lugar.
Plano ring ayusin at pagandahin ng Pasig LGU ang ilan pang mga tabing ilog sa kahabaan ng Pasig River.
Moira Encina