27 milyong doses ng Covid-19 vaccines sa bansa, nakatakdang mag-expire sa Hulyo
Nasa 27 milyong doses ng bakuna kontra Covid-19 ang mag-e-expire na sa susunod na tatlong buwan.
Ito ang babala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion.
Sabi ni Concepcion, mula sa 237 milyong doses ng bakuna na natanggap ng Pilipinas, 140.7 million lamang dito ang naiturok.
Dahil dito, hinihikayat ni Concepcion ang publiko na bago pa ma-expire ang mga bakuna ay magpabakuna na ang lahat.
Ito ay upang hindi masayang ang mga bakunang binili at ginastusan ng gobyerno mula sa buwis ng mamamayan.
Hangga’t libre pa aniya ang bakuna ay samantalahin na ito ng mga Pilipino at kung maaari ay magpa-booster shot na rin.
Nauna nang inirekomenda ni Concepcion sa gobyerno na gawing requirement ang booster card upang makapasok sa isang saradong establisimyento at mapalakas ang vaccination drive ng pamahalaan.