3 drug convict inasbwelto ng Korte Suprema dahil sa hindi pagsunod sa chain of custody ng mga nakumpiskang droga
Pinawalang-sala ng Korte Suprema ang tatlong akusado na una nang hinatulang guilty ng hukuman sa Makati City sa kasong pagbebenta ng shabu at illegal possession of drugs dahil sa hindi pagtalima ng mga otoridad sa chain of custody ng mga nakumpiskang droga.
Sa 13 pahinang desisyon ng Supreme Court Third Division, binaligtad at ibinasura nito ang hatol na guilty ng Makati RTC Branch 65, na pinaboran ng Court of Appeals, laban kina Emmanuel Oliva, Bernardo Barangat at Mark Angelo Manalastas.
Inabswelto ng Korte Suprema ang tatlo dahil sa kabiguan ng prosekusyon na mapatunayan na guilty ang mga ito beyond reasonable doubt.
Kaugnay nito, ipinagutos ng Supreme Court ang agarang pagpapalaya sa tatlo mula sa kulungan, maliban na lamang kung may iba pang dahilan para sila ay patuloy na mabilanggo.
Ang tatlo ay nahuli sa isang buy-bust operation ng PNP at PDEA sa Brgy Cembo, Makati City noong Enero 2015.
Ayon sa SC, hindi nasunod ng pulisya ang orihinal na probisyon ng Section 21 ng RA 9165 kung saan nakasaad na pagkatapos makumpiska ang droga ay dapat agad na maisagawa ang physical inventory at photograph sa presensya ng akusado, kinatawan mula sa media, DOJ at sinomang halal na opisyal ng gobyerno.
Wala anilang kinatawan mula sa media o DOJ at maging elected official nang isagawa ang pagimbentaryo ng mga nasamsam na droga sa mga akusado.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na kailangan na mas mahigpit ang pagsunod ng mga pulis sa chain of custody lalo na kung kakaunti lamang ang nasamsam na droga dahil ito ang madalas na susceptible sa tampering, alteration at pagtatanim ng mga ebidensya.
Ulat ni Moira Encina