3 Foreign national, 2 Pinay na sangkot sa cryptocurrency scam, arestado ng PNP
Arestado sa Pasig City ang 3 foreign national at 2 Pilipina na sangkot umano sa cryptocurrency scam.
Ang isa sa mga suspek tinangka pang sirain ang flash drive na naglalaman ng kanilang ng mga ilegal na transaksyon.
Mabilis na inihulog ng American national na Aron Dermer ang flash drive sa loob ng lata ng softdrinks nang salakayin ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group ang kanilang opisina sa Pasig City.
Sa impormasyon na natanggap ng otoridad, sangkot ang kumpanya sa crypto currency scam kaya agad silang nag-apply para sa search warrant.
“Andun yung mga evidence na magli-lead, magko-connect sa kanila doon sa crime na ginagawa nila. It’s part of recording of evidence. Akala niya walang makakakita eh nakita siya nung isang personnel natin kaya nakita sa video,” pahyag ni Police Captain Michelle Sabino, tagapagsalita ng PNP Anti-Cybercrime Group.
Bukod kay Dermer, inaresto rin ang dalawang Israeli national na sina Shay Semo at Chen Keren.
Dinampot din ang dalawang Pinay na sina Marie Mizukami at Krizzia Garcia na nagsisilbi umanong taga-chat sa kanilang mga bibiktimahin.
Modus kasi nila na manloko ng mga indibidwal na una nang nabiktima ng cryptocurrency scam.
Kunwari ay nagmamalasakit, pero panibagong sakit ng ulo pala ito sa biktima.
“Ang sasabihin nila sa victim mag-download ka ng team viewer. So lahat ng laman doon sa computer nakikita ni scammer then magpapa-download din sila ng e-wallet so that’s another crypto wallet kung saan sasabihin nila kung magkano ang nawalang amount sa iyo na crypto currency, let’s say $1,000, $1,000 din ang ilalagay mo doon. So dahil naka team viewer makikita mo ang mga nakatago doon. It’s like phishing pero ito kita mo na automatic. So nakukuha nila sa team viewer, nakukuha nila password, log in, ita-transfer ngayon yung panibagong dineposit mo doon sa kanilang e-wallet. Parang ang nangyayari double whammy,” paliwanag pa ni Capt. Sabino.
Kinumpiska ng mga operatiba ang mga laptop, cellphone at hard drive na ginagamit sa ilegal na transaksyon.
Dinala na sa Kampo Crame ang mga suspek na mahaharap sa patung-patong na kasong paglabag sa Anti-Cybercrime Law.
Mar Gabriel