3-M katao sa CALABARZON, target na mabakunahan ng COVID-19 booster shots
Kabuuang 3 milyong indibiduwal sa CALABARZON ang target na maturukan ng COVID-19 booster shots.
Noong Huwebes, Nobyembre 25 sinimulan na ang booster vaccination para sa mga senior citizens at immunocompromised individuals sa rehiyon.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH CALABARZON, 79% ng senior citizens o mahigit 884,000 ang fully-vaccinated mula sa target population sa A2 group na 1.11 million.
Umaabot naman sa 56% o 922,318 na persons with comorbidities ang nakakumpleto na ng bakuna sa Region IV-A mula sa target na 1.63 milyon na A3 group.
Sa kabuuan, mahigit 5 milyong katao na sa rehiyon ang fully- vaccinated sa CALABARZON habang nasa 7 milyong katao ang nabakunahan na ng unang dose.
Sinabi Health Secretary Francisco Duque III na mahalaga ang ikatlong dose para matiyak ang optimum protection laban sa virus.
Moira Encina