30 notes verbales ipinadala ng Pilipinas sa China dahil sa mga insidente sa West PH Sea ngayong taon
Nakapagpadala na ng nasa kabuuang 30 notes verbales ang gobyerno ng Pilipinas sa Tsina ngayong lamang 2023 dahil sa mga insidente sa West Philippine Sea.
Batay ito sa pinakahuling tala ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong July 5, 2023.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma.Teresita Daza, ang notes verbales ay bilang protesta sa mga ilegal na presensiya at aksyon ng mga barko ng Tsina sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.
Ang huli aniyang protestang inihain ng Pilipinas ay noong July 4.
Ang nasabing huling protesta aniya ay hindi kaugnay sa insidente malapit sa Ayungin Shoal noong June 30.
Sinabi ni Daza na sa ngayon ay wala pang pahayag ang DFA ukol sa pagharang, pagbuntot at pag-harass ng Chinese Coast Guard vessels sa mga barko ng Philippine Coast Guard noong Hunyo 30 sa nasabing lugar.
Umaabot naman sa 97 notes verbales ang inihain ng DFA sa ilalim ng Marcos Government kung saan 67 ay noong 2022 at ang 30 ay ngayong 2023.
Moira Encina