31st SEA Games opisyal nang nagbukas sa Hanoi
Opisyal nang nagsimula ang 31st Southeast Asian (SEA) Games, makaraan ang matagumpay na opening ceremony na ginanap sa My Dinh National Stadium sa Hanoi, Vietnam.
Sinimulan ng Vietnam ang biennial meet sa pamamagitan ng isang masayang pagtatanghal na kinatatampukan ng kanilang kultura, maging ng likas na pagkakatulad at pagkakaiba sa kultura ng maraming magkakaibang bansa sa Timog-Silangang Asya.
Ang programa ay sinamahan ng state-of-the-art technology gaya ng augmented reality, extended reality at mixed reality.
Ang Team Philippines ay lumahok sa opening ceremonies sa pangunguna ng flag bearer na si EJ Obiena.
Nasa 30 mga atleta at mga opisyal ang nagmartsa sa stadium para katawanin ang higit 600 mga atleta na nakatakdang lumaban sa lahat maliban sa isa sa 40 sports na gaganapin sa edisyong ito ng SEA Games.
Kasama ni Obiena ang mga opisyal na gaya ni Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino at chef de mission Ramon Fernandez.
Bahagi rin ng seremonya ang pagsisindi sa SEA Games torch, na siyang senyales ng pagbubukas ng mga kumpetisyon at ang SEA Games Athletes and Officials Oath.
Natapos ang programa sa pamamagitan ng isang fireworks display at isang masiglang pagtatanghal na nagtatampok sa SEA Games mascot na si Sao La.
Ang SEA Games ay gaganapin hanggang sa closing ceremonies sa May 23, sa iba’t-ibang lungsod at lalawigan sa buong Vietnam.
Target ng Pilipinas, na naging host sa naunang edisyon ng SEA Games na makakuha ng maraming ginto makaraang maging overall champion sa 2019 SEA Games na ginanap sa bansa.