35.5 milyong manggagawa na kabilang sa A4 Priority group, target mabakunahan simula Hunyo
Sisimulan na bukas, June 1 ang pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga kabilang sa A4 Priority group.
Ito ang binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa press briefing ngayong araw.
Ayon kay Roque, batay sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Resolution No. 117, kabilang sa A4 priority list ay mga Private sector workers na physically present sa kanilang mga workplace; mga empleyado ng gobyerno, mga informal sector workers at self-employed na nagtatrabaho sa labas ng kanilang mga tahanan at mga nasa private households.
Ipaprayoridad din ng mga lokal na pamahalaan na mabakunahan ang mga Economic frontliners na nasa edad 40 hanggang 59.
Batay aniya sa datos ng gobyerno, tinatayang nasa 13 milyong indibidwal o manggagagawa ang target mabakunahan sa Metro Manila at iba pang lugar sa NCR Plus 8 na may mataas na kaso ng Covid-19 sa bansa.
Ito ay binubuo ng Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, and Rizal.
Karagdagan pang 22.5 milyong manggagawa ang target ding mabakunahan mula sa mga lugar na nasa labas ng NCR Plus 8.
Kaya pumapalo sa kabuuang 35.5 million workers ang dapat mabakunahan na kabilang sa A4 list.